“Kahit malaking hamon pa ang nakaatang na responsibilidad at tungkulin sa akin ay kaya ko na dahil katuwang ko ang Pantawid Pamilya,” ani Lucila Pablo ng Barangay Manacnac, Palayan City. Bago napasali sa Pantawid Pamilya, ang pamilya Pablo ay salat sa maraming bagay. Ang pangunahing hanapbuhay ng pamilya ay pagsasaka at si Lucila naman ay nagtitinda ng kinulti at ice candy sa kanilang barangay. Ang asawa naman niya ay nakapasok sa isang meat processing company bilang driver ngunit hindi pa rin sapat ang kinikita nilang mag-asawa para tustusan ang mga pangailangan ng kanilang tatlong anak na ngayon ay nasa elementary at sekondarya, ani Lucila. Nagsimulang gumanda ang takbo ng buhay nila ng mapabilang sa Programang Pantawid Pamilya noong taong 2011. “Nakatulong ang programa sa pag-aaral at kalusugan ng aking pamilya at naging daan ito upang mahubog ang aking kakayanan bilang isang parent leader sa pamamagitan ng mga ibat-ibang pagsasanay na aking dinadaluhan,” ani Lucila. Ayon pa kay Lucila, naging inspirasyon din ang tiwala ng programa at suporta mula sa kanyang pamilya at naging daan ito upang lalo pa niyang matuklasan ang kanyang kakayanan sa pamumuno. Ang kakayanan sa larangan ng komunikasyon, pakikipag-ugnayan, pakikilahok sa ibat-ibang aktibidad at pakikisalamuha sa mga tao sa ibat-ibang antas sa lipunan ay nagtulak sa kanya upang ganap na mapaunlad ang kanyang sarili bilang mabuting pinuno. “Hindi pala hadlang kung ano man ang natapos mo sa pag-aaral at kung anong antas ang kinabibilangan mo sa lipunan upang makatulong sa kapwa benepisyaryo at maturuan din sila ng kaalaman na mayroon ako,” dagdag ni Lucila. Si Lucila ay napabilang din sa Bottom up Budgeting (BUB) bilang signatory sa ilalim ng Local Government Unit (LGU) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Palayan City para sa patuloy na pagsusulong ng mga proyekto na makakatulong sa mga kapwa niya benepisyaryo. Nahalal din syang pangulo mula sa dinaluhang pagsasanay sa corn husk craft making ng Department of Agriculture (DA), at sa kasalukuyan ay bumubuo sila ng grupo para sa isang livelihood project. Si Lucila ay nahalal ding pangulo ng DSWD-Sustainable livelihood Program (SLP) sa kanilang lugar. “Naniniwala ako na ang isang taong may positibong pananaw at pangarap sa buhay ay tiyak ang pagtatagumpay,” ang pangwakas na nasambit ni Lucila. ? Written by Evelyn Manalo, DSWD Central Luzon